
Posibleng ipatupad sa susunod na linggo ang dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo, ayon sa Department of Energy (DOE).
Batay sa pagtaya ng DOE Oil Industry Management Bureau, inaasahang tataas ang presyo ng gasolina ng ₱0.00 hanggang ₱0.50 kada litro, habang posibleng bumaba ang diesel ng ₱3.00 hanggang ₱5.00 kada litro. Inaasahan ding bababa ang presyo ng kerosene ng ₱2.00 hanggang ₱3.00 kada litro.
Ayon kay DOE Director Rino Abad, hindi gaanong naapektuhan ng kasalukuyang tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos ang pandaigdigang suplay at merkado ng langis, dahilan upang maging paborable ang inaasahang oil price adjustment, partikular sa mga gumagamit ng diesel.
Kapag tuluyang naipatupad ang nasabing paggalaw sa presyo, inaasahang magiging ganito ang presyo ng mga produktong petrolyo: gasolina sa humigit-kumulang ₱85.50 hanggang +₱0.50, diesel sa ₱91.51 hanggang ₱93.51 kada litro, at kerosene sa ₱122.28 hanggang ₱123.28 kada litro.









