
Makikipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Paraguayan President Santiago Peña Palacios sa Malacañang ngayong araw upang talakayin ang pagpapalawak ng kooperasyon ng dalawang bansa sa iba’t ibang sektor.
Dumating si Peña sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong hapon ng Mayo 10 para sa kauna-unahang presidential visit sa pagitan ng Pilipinas at Paraguay mula nang maitatag ang diplomatikong ugnayan noong Disyembre 12, 1962.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), inaasahang bibigyan ng opisyal na parangal ang panauhing pangulo sa Malacañang bago ang kanilang bilateral meeting ni Marcos.
Tatalakayin ng dalawang lider ang pagpapalawak ng ugnayan sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, at agrikultura, pati na ang mas malawak na economic partnership sa pagitan ng Pilipinas at Paraguay.
Giit ng PCO, layunin ng pagbisita na palakasin ang ugnayan ng Pilipinas sa mga bansa sa Latin America at pag-ibayuhin ang diversification ng economic partnerships ng bansa.










