Patay ang 15-anyos na lalaki matapos magulungan ng dump truck na minaneho mismo ng kanyang ama, 41-anyos, sa loob ng construction site ng lumang Pasig City Hall sa Caruncho Avenue, Barangay San Nicolas sa Pasig City kahapon.
Sa imbestigasyon ng Pasig police, iniaatras ng ama na driver ang truck nang aksidenteng magulungan ang biktimang nakahiga at natutulog sa likod na bahagi ng sasakyan.
Agad na rumesponde ang emergency personnel ng Pasig local government at ang pulisya sa construction site.
Pero idineklarang dead-on-the-spot ang biktimang pahinante ng ama.
Hinuli ang ama na nasa kustodiya ngayon ng Pasig police.
Mahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Nangako ang Pasig local government na magpapaabot ng suporta sa pamilya ng biktima.
Patuloy na iniimbestigahan ng PNP ang insidente katuwang ang Pasig City Hall Construction Consortium.
Ipag-uutos din ng LGU sa PCHCC na magsagawa ng mandatory review sa kanilang safety measures para matiyak na hindi na mauulit pa ang insidente.