
Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko laban sa pekeng Facebook account na gumagamit ng pangalan at larawan ni Chief PNP Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Ayon sa PNP, ang account na gumagamit ng pangalang “Jose Melencio Corpus” ay hindi opisyal at walang pahintulot ng PNP o ng tanggapan ng Chief PNP.
Pinayuhan ang publiko na huwag tanggapin ang friend request, makipag-ugnayan o sumunod sa anumang mensahe at kahilingan mula sa naturang account, lalo na kung may kinalaman sa pera, personal na impormasyon at pabor.
Hinimok din ang sinumang nakatanggap ng mensahe mula rito na magtago ng ebidensya sa pamamagitan ng screenshot at i-report ito sa Facebook at PNP Anti-Cybercrime Group.
Nangako naman ang PNP na magsasagawa ng kaukulang aksiyon laban sa mga responsable sa hindi awtorisadong paggamit ng pangalan at larawan ng Chief PNP.










