
Sinuspinde ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Oktubre 31 deadline para sa mandatoryong paglalagay ng digital registration seal badge sa online profiles ng mga online seller, freelancer at content creator kasunod ng mga pangamba sa paglabag sa data privacy, doxxing at identity theft.
Sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular No. 38-2026, na ipinatupad noong Abril 29, inatasan ang mga nasabing taxpayer na pampublikong ipakita ang kanilang digital registration seal badge sa kanilang mga online profile.
Gayunman, kinuwestiyon ng mga content creator ang polisiya dahil bagama’t nakatago sa badge ang kanilang Taxpayer Identification Number o TIN, nakikita naman dito ang buong rehistradong pangalan ng negosyo, na para sa ilang creator at online seller ay kanilang buong legal na pangalan.
Ayon sa financial content creator na si Antonette Aquino, maaari itong magdulot ng panganib sa kanilang privacy at magamit sa doxxing o pagnanakaw ng pagkakakilanlan.
Nauna nang sinabi ng BIR na alternatibo ang seal badge sa paglalathala ng buong Certificate of Registration. Mahigit 52,700 badge na rin ang naisyuhan ng ahensya hanggang Oktubre 14.
Bagama’t sinuspinde na ang deadline, iginiit ni Aquino na kailangan pa rin ng malinaw na mga panuntunan at konsultasyon sa mga apektadong stakeholder bago ipatupad ang polisiya.
Sa ngayon, wala pang itinakdang petsa kung kailan muling ipatutupad ang mandatoryong paglalagay ng badge.
Nilinaw naman ng BIR na boluntaryo muna ang pagpapakita nito at walang parusang ipapataw sa mga taxpayer dahil lamang sa hindi paglalagay ng badge habang suspendido ang requirement.










