
Sinuspinde ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang obligadong pagpapakita ng registration seal badge sa mga website, social media business page at iba pang digital platform hanggang sa susunod na abiso.
Ayon sa BIR, layunin nitong matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga hakbang sa beripikasyon ng rehistrasyon.
Maaari pa ring ipakita ng mga nakakuha na ng badge ang kanilang sertipikasyon, ngunit boluntaryo na lamang ito habang suspendido ang patakaran. Wala ring ipapataw na parusa dahil lamang sa hindi pagpapakita ng badge sa nasabing panahon.
Saklaw ng naunang patakaran ang mga online seller, freelancer, propesyonal, vlogger, influencer at iba pang kumikita sa pamamagitan ng digital platforms.










