Iginiit ni negosyante at dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson na layunin umano ng isinampang cyber libel case laban sa kanya na siraan at patahimikin siya dahil sa kanyang mga pahayag kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project ng pamahalaan.

Ayon kay Singson, kusa siyang nagtungo upang magpiyansa ngunit sa halip ay isinailalim umano siya sa police processing. Itinanggi rin niyang inaresto siya sa kanyang tahanan at sinabing bahagi ito ng pagtatangkang ipahiya siya sa publiko.

Matatandaang kinumpirma ng Quezon City Police District na isang indibidwal na nagngangalang “Luis” ang inaresto noong Huwebes dahil sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012. Kalaunan ay nakapagpiyansa si Singson ng ₱60,000 at agad na nakalaya.

Sinabi pa ng dating gobernador na naging mas matindi ang mga hakbang laban sa kanya matapos niyang manawagan ng masusing imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa mga flood control project. Gayunman, tiniyak niyang ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng pananagutan at transparency sa usapin.