Tinutulan ng Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC) ang mga panukalang ibaba ang minimum age of criminal responsibility, iginiit na walang sapat na ebidensya na ang mas mahigpit na batas ay epektibong nakapipigil sa krimen ng mga kabataan.

Ayon kay JJWC Executive Director Tricia Clare Oco, hindi awtomatikong nababawasan ang kaso ng youth violence kahit ibaba ang edad ng pananagutang kriminal.

Binanggit niya ang ilang karanasan sa ibang bansa, kabilang ang Estados Unidos, kung saan nananatili pa rin ang mataas na insidente ng karahasan sa kabila ng mas mahigpit na mga batas.

Iginiit ng opisyal na mas dapat tutukan ang mga ugat ng problema gaya ng impluwensya ng pamilya, komunidad, bullying, peer pressure, at exposure sa karahasan.

Idinagdag din niya ang epekto ng social media at online content, kung saan maaaring ma-normalize ang karahasan sa murang edad.

-- ADVERTISEMENT --

Paalala ng JJWC, mahalaga pa rin ang gabay ng pamilya at komunidad upang maiwasan ang pagkalulong ng kabataan sa violent behavior.