Nanawagan si Senador Panfilo Lacson na muling pag-aralan at talakayin ang Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act matapos ang madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng ilan pa.

Ayon kay Lacson, dapat nang suriin kung ang kasalukuyang mga probisyon ng batas hinggil sa criminal liability ng mga menor de edad ay naaangkop pa lalo na sa mga kaso ng mabibigat at mararahas na krimen.

Binanggit ng senador ang kaso ng dalawang 10-anyos na batang lalaki sa Liverpool, England noong 1993 na sangkot sa pagdukot at pagpatay sa dalawang taong gulang na si James Bulger bilang halimbawa kung bakit kailangang muling pag-isipan ang edad bilang awtomatikong exemption sa pananagutang kriminal.

Iginiit ni Lacson na mayroon namang sapat na safeguard sa batas upang maprotektahan ang karapatan ng mga bata habang pinananagot ang mga dapat managot.

Aniya, ang requirement na patunayan ng mga prosecutor na kumilos ang isang menor de edad nang may discernment ay mahalagang pananggalang upang matiyak ang katarungan para sa lahat ng panig.

-- ADVERTISEMENT --

Lumakas ang panawagan para repasuhin ang batas matapos lumabas sa imbestigasyon na ang dalawang suspek sa Tacloban school shooting, na edad 14 at 15, ay umano’y ilang linggong pinagplanuhan ang pag-atake.

Ayon pa sa mga imbestigador, napag-usapan din umano ng mga suspek ang Juvenile Justice and Welfare Act habang pinaplano ang krimen.

Sa ilalim ng umiiral na batas, hindi karaniwang mananagot sa kasong kriminal ang mga batang 15 taong gulang pababa, habang maaari namang managot ang mga nasa edad 15 hanggang 18 kung mapatutunayang kumilos sila nang may discernment.

Samantala, iginiit ng Juvenile Justice and Welfare Council na mayroon nang mga mekanismo ang batas upang panagutin at rehabilitahin ang mga kabataang nasasangkot sa krimen.

Binigyang-diin din ng Korte Suprema sa mga naunang desisyon nito na walang presumption ng discernment sa mga menor de edad at tungkulin ng prosekusyon na patunayan ito lampas sa makatwirang pagdududa.