
Inirekomenda ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong homicide o reckless imprudence resulting in homicide laban sa dating Ateneo Blue Eagles head coach na si Tab Baldwin at iba pang sangkot kaugnay ng kasong kanilang iniimbestigahan.
Kinumpirma ng DOJ na natanggap nito ngayong Hulyo 1 ang supplemental referral mula sa CIDG na naglalaman ng rekomendasyong magsampa ng kasong homicide at/o reckless imprudence resulting in homicide, batay sa mga nakalap na ebidensya at umiiral na batas.
Ayon sa DOJ, isasama ang bagong referral sa naunang rekomendasyon ng CIDG na isinumite noong Hunyo 26, na kasalukuyan pa ring sinusuri ng kagawaran.
Nauna nang inirekomenda ng CIDG ang pagsasampa ng reklamo laban kay Baldwin at 11 iba pa dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act, kabilang ang ilang student managers at utility staff.










