
Inihayag ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG na magsasampa ito ng reklamo laban kay Senador Robin Padilla at iba pang indibidwal kaugnay ng umano’y pagtulong sa pagtakas ni Senador Ronald dela Rosa.
Ayon sa CIDG, ihahain sa National Prosecution Service ng Department of Justice ang reklamong paglabag sa Presidential Decree No. 1829 o obstruction of justice.
Batay sa imbestigasyon ng CIDG, hindi lamang umano simpleng pakikisakay sa sasakyan ni Padilla ang ginawa ni dela Rosa kundi bahagi ng isang planadong operasyon upang makalabas sa Senado nang hindi natutunton noong madaling-araw ng Mayo 14, 2026.
Nadiskubre rin umano ng CIDG na may isa pang sasakyang sumusunod sa kotse ni Padilla na nagsilbing security escort at backup vehicle habang isinasagawa ang pagtakas.
Iginiit ng CIDG na bahagi ito ng mandato nitong mag-imbestiga ng krimen at tiyakin ang patas na pagpapatupad ng batas.
Sinabi rin ng ahensya na ang sinumang hahadlang sa pag-aresto o tutulong sa pagtakas ng isang akusado upang makaiwas sa pananagutan ay maaaring managot sa batas at makasira sa sistema ng hustisya at kaayusang pampubliko.
Nauna nang kinumpirma ng International Criminal Court na naglabas ito ng arrest warrant laban kay dela Rosa kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong Mayo 13, inilagay sa lockdown ang gusali ng Senado habang nasa protective custody ng mataas na kapulungan si dela Rosa. Sa gitna nito, may narinig umanong putok ng baril sa loob ng gusali.
Makalipas ang ilang oras, madaling-araw ng Mayo 14 nang makaalis si dela Rosa sa Senado.
Noong Mayo 22, itinanggi ni Padilla na tinulungan niyang makatakas si dela Rosa at sinabi nitong nakisabay lamang sa kanyang sasakyan ang dating hepe ng pulisya matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng Senado.
Samantala, nanawagan si Fredderick Vida kay dela Rosa na sumuko na sa mga awtoridad matapos itong muling hindi makita sa publiko kasunod ng arrest warrant ng ICC.
Sinabi rin ni Vida na pinag-aaralan na rin ng DOJ ang posibleng pananagutan ni Padilla matapos nitong amining isinakay niya si dela Rosa palabas ng Senado noong Mayo 14.




