
Sinisiyasat na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang posibilidad ng hazing at homicide sa pagkamatay ng mga manlalaro ng Ateneo Blue Eagles na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora.
Ayon kay CIDG Director Police Major General Robert Morico II, nakatuon na ngayon ang imbestigasyon sa posibleng paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 o homicide habang nagpapatuloy ang pagkuha ng mga pahayag mula sa mga kasamahan ng dalawang atleta.
Nasawi sina Baterbonia at Adili noong Hunyo 8 matapos malunod sa isinagawang team-building activity. Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, walang nakataling pabigat sa kanilang mga katawan nang matagpuan ang mga ito.
Nabatid din na isinagawa ang aktibidad may 300 metro mula sa dalampasigan sa kabila ng payo ng resort management na gawin ito sa mas ligtas na bahagi ng karagatan.
Samantala, nagbitiw na sa kanilang mga posisyon sina Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin at team manager Epok Quimpo kasunod ng kontrobersiya.









