Humingi ng paumanhin si Ateneo de Manila University head coach Tab Baldwin sa pamilya ng mga nasawing manlalarong sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa unang pagkakataon mula nang mangyari ang insidente.

Sa isang video message na inilabas ng Ateneo, sinabi ni Baldwin na labis niyang ikinalulungkot ang pagkamatay ng dalawang atleta at inako niya ang pananagutan bilang lider ng koponan.

Ayon sa kanya, isang karaniwang training run lamang ang kanilang isinagawa sa tubig na inakala nilang mababaw. Gayunman, napagtanto nilang nasa panganib na ang mga manlalaro at agad silang gumawa ng paraan upang mailigtas ang lahat.

Inamin din ni Baldwin na naramdaman niyang nabigo siya bilang coach at lider dahil hindi niya nagawang matiyak ang kaligtasan ng dalawang manlalaro. Aniya, patuloy siyang nakikiisa sa pagdadalamhati ng mga pamilya at nananalangin para sa kanilang paghilom at kapanatagan.

Samantala, nagpapatuloy pa rin ang mga imbestigasyon kaugnay ng insidente na ikinasawi ng dalawang Ateneo basketball players.

-- ADVERTISEMENT --