Isinusulong ni Parañaque Rep. Brian Yamsuan ang panukalang batas na magbibigay ng dagdag benepisyo sa mga barangay tanod.

Sa ilalim ng House Bill No. 6598, layunin na mapabuti ang benepisyo ng mga tanod na may hindi bababa sa isang taong serbisyo. Ayon kay Yamsuan, kulang ang natatanggap na suporta ng mga tanod kahit na sila ay may mahalagang papel sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa komunidad.

Kabilang sa mga panukala ang pagbibigay ng Christmas bonus na katumbas ng hindi bababa sa kalahati ng natatanggap ng barangay chairman. Isasama rin sila sa prayoridad sa mga programang pangkabuhayan at pangkaunlaran ng barangay.

Bukod dito, isinusulong din ang insurance coverage para sa mga tanod, pati na libreng legal assistance sakaling makasuhan sila habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Nilalayon din ng panukala na maprotektahan ang kanilang trabaho at hindi basta-basta matanggal sa serbisyo maliban kung may sapat na dahilan at desisyon ng buong konseho ng barangay.

-- ADVERTISEMENT --