Ginawaran ng honorary title na “Son of Kalinga” si Major General Gulliver Señires, Commander ng 5th Infantry (STAR) Division ng Philippine Army, bilang pagkilala sa kanyang mga ambag sa kapayapaan, seguridad at kaunlaran ng lalawigan.

Isinagawa ang seremonya noong kahapon, sa Kalinga Sports Center sa Tabuk City, sa pangunguna ni Governor James S. Edduba.

Bilang bahagi ng tradisyon, sinuotan si Señires ng kasuotang Kalinga at ipinagkaloob sa kanya ang “Lilay,” simbolo ng pagtanggap sa kanya bilang bahagi ng komunidad. Binigyan din siya ng tradisyunal na pangalang “Sapao.”

Sa kanyang mensahe, inalala ni Señires ang una niyang pagdating sa Kalinga bilang batang sundalo 34 na taon na ang nakalilipas, at pinasalamatan ang mga mamamayan sa pagtanggap sa kanya bilang isa sa kanilang mga anak.

Nagkaloob din ng mga certificate of commendation ang pamahalaang panlalawigan at walong lokal na pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang si Señires sa mga opisyal ng militar na ginawaran ng naturang pagkilala, gaya nina Lieutenant General Aristotle D. Gonzales at dating AFP Chief of Staff at Defense Secretary Carlito G. Galvez Jr.

Pormal na ipinagkakaloob ang titulong “Son of Kalinga” sa pamamagitan ng resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan matapos suriin ang mga kontribusyon ng isang nominado sa lalawigan.