
Dalawang mosque ang sinunog at ilang gusali ang nilagyan ng graffiti ng mga Israeli settler sa magkakahiwalay na pag-atake sa mga Palestinian village sa sinasakop na West Bank, ayon sa mga opisyal ng Palestinian. Nangyari ang insidente ilang araw matapos ang madugong sagupaan sa Tal village kung saan apat na Palestinian at dalawang Israeli ang nasawi.
Ayon sa mga lokal na opisyal, sinunog ng mga settler ang isang bagong tayong mosque sa Qusra at sinubukan ding sunugin ang isa pang mosque sa Kour, habang inatake rin ang mga manggagawang Palestinian sa isang stone-cutting facility sa Kafr Malik. Nakasulat din umano sa mga pader ng mga gusali ang mga mensaheng nasa wikang Hebrew, kabilang ang “Jewish revenge.”
Kinondena ng Palestinian Authority ang mga pag-atake at iginiit na bahagi ito ng mas malawak na karahasan laban sa mga Palestinian. Samantala, sinabi ng Israeli military na natagpuan nito ang mga bakas ng panununog at graffiti sa Qusra at nagsasagawa na ng imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable. Iginiit din nitong hindi nito kinukunsinti ang pag-atake sa mga lugar ng pagsamba.
Kasunod ng mga insidente, naglunsad ang Israel ng mas pinaigting na operasyon sa West Bank at inaresto ang humigit-kumulang 60 Palestinian. Samantala, nanawagan si Pope Leo ng agarang negosasyon para sa makatarungang solusyong pampulitika at iginiit ang paggalang sa mga banal na lugar ng lahat ng relihiyon.








