
Nasawi ang dalawang katao habang 35 naman ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang isang pampasaherong bus na patungong Maynila kagabi sa Pagbilao, ayon sa pulisya.
Kinilala ang mga nasawi sa pangalang “Sonny,” 34, mula sa Mercedes, at “Ian,” 31, mula sa Jose Panganiban.
Ayon sa ulat, ang bus ng DLTB Co. na minamaneho ng 54-anyos na si “Noel” ay galing sa Daet at papuntang Metro Manila nang mangyari ang aksidente bandang alas-8 ng gabi.
Sa paunang imbestigasyon, binabaybay ng bus ang pababang kurbada sa isang diversion road sa Barangay Silangang Malicboy nang umano’y pumalya ang preno.
Dahil dito, nawalan ng kontrol ang drayber at tuluyang nahulog ang sasakyan sa humigit-kumulang 32-talampakang bangin.
Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang mga pasahero sa loob ng bus at nagtamo ng iba’t ibang pinsala.
Agad silang isinugod sa dalawang ospital sa Lucena City.
Hindi bababa sa walong sugatan ang nananatiling ginagamot sa MMG Hospital, habang ang iba naman ay dinala sa Quezon Medical Center.
Karamihan sa kanila ay inaasahang makalalabas din agad ng ospital.
May sakay na 41 pasahero ang bus, kabilang ang isang second driver at konduktor.
Dalawa sa mga pasahero ang nakalipat na sa ibang bus bago ang aksidente, habang dalawa pa ang nakababa na bago ito mangyari.
Samantala, sinabi ng pulisya na handa umano ang kumpanya ng bus na makipag-areglo sa mga biktima ng insidente.










