Nagpiyansa ng P90,000 si dating Department of Public Works and Highways o DPWH Secretary Manuel Bonoan sa Sandiganbayan Second Division nitong Biyernes upang makakuha ng pansamantalang kalayaan kaugnay ng kinahaharap nitong kasong graft.

Kinumpirma ni Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Econg na nakapagpiyansa na si Bonoan para sa kasong may kaugnayan umano sa maanomalyang flood control projects. Mas maaga ring nagpiyansa ng kaparehong halaga si Senador Jinggoy Estrada na kabilang din sa mga akusado sa kaso.

Nahaharap sina Bonoan at Estrada sa hiwalay pang kasong graft at plunder sa Sandiganbayan Fifth Division. Ayon sa Ombudsman prosecutors, umano’y tumanggap si Estrada ng hanggang P573 milyong kickback mula sa flood control projects sa tulong ng iba pang mga akusado kabilang si Bonoan.