
Inihayag ng state witness at dating undersecretary ng Department of Public Works and Highways na si Roberto Bernardo sa kanyang pagtestigo sa Sandiganbayan ngayong araw na personal niyang inihatid ang kabuuang P250 million bilang “commitment fee” o bahagi ng bayad para sa government projects kay dating senator Ramon Bong Revilla Jr.
Inilahad ni Bernardo ang kanyang testimonya sa Sandiganbayan sa pagdinig sa bail hearing nina Revilla at ng lima pa niyang kapwa akusado sa kasong malversation na may kaugnayan sa P92.8 million flood control project sa Bulacan.
Ayon sa kanya, personal niyang inihatid ang P125 million sa tirahan ni Revilla sa White House noong 2024, at isa pang P125 million noong Marso 2025.
Dagdag pa niya, may isa pang delivery ng P250 million commitment fee na ginawa ng kanyang aide na si Vergel Niño Garcia noong Pebrero 2025, ngunit wala umano roon si Revilla sa panahong iyon.
Sinabi ni Bernardo na anim na kahon at isang paper bag ang inihatid kay Revilla sa unang pagkakataon, 13 kahon sa ikalawang pagkakataon, at anim na kahon sa ikatlong pagkakataon.
Ipinakita rin ng prosekusyon ang isang banker’s box, na kinilala ni Bernardo bilang uri ng kahong ginamit sa mga delivery.
Ayon pa sa kanya, ito ang mga kahong kasya sa kanyang sasakyan sa mga nabanggit na pagkakataon.
Dagdag niya, maaaring maglaman ng hanggang P20 million ang bawat banker’s box.










