Sinabi ni Philippine Government Electronic Procurement System o PhilGEPS Division Chief Rendell Sopeña na 11 sa 15 kontrata ng Davao City government sa GenCorp Industries ang hindi dumaan sa public bidding.

Ayon kay Sopeña sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, apat lamang sa 15 kontrata ang dumaan sa public bidding, habang ang 11 ay isinagawa sa pamamagitan ng negotiated small-value procurement.

Tinatayang P34.216 milyon ang kabuuang halaga ng 15 kontrata, kung saan nasa P7 milyon hanggang P8 milyon ang halaga ng mga hindi dumaan sa public bidding.

Gayunman, nilinaw ni Sopeña na hindi saklaw ng PhilGEPS ang pagtukoy kung may paglabag sa procurement rules dahil pangunahing tungkulin nito ang pag-iingat at paglalathala ng procurement data na isinusumite ng mga ahensya.

Ang mga kontrata ng GenCorp sa Davao City ay kabilang sa mga transaksiyong sinusuri sa Article 2 ng impeachment case, kaugnay ng mga business at financial interests na idineklara ni VP Sara sa kanyang SALN.

-- ADVERTISEMENT --