Pormal nang isinumite ng Department of Budget and Management o DBM kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang ₱7.2-trilyong National Expenditure Program o NEP para sa taong 2027.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, pinangunahan ni Budget Secretary Kim de Leon ang presentasyon ng panukalang budget na may temang “People-Centered Growth for an Inclusive and Resilient Future.”

Nakatuon umano ang pondo sa edukasyon, kalusugan, kabuhayan, seguridad at pagpapalakas ng mga komunidad, kabilang ang pagpapahusay ng serbisyo publiko at pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga Pilipino.

Inaasahang isusumite naman sa Kongreso ang panukalang 2027 national budget ngayong Martes, Agosto 11, bilang susunod na hakbang sa proseso ng pambansang budget.

Ang ₱7.2-trilyong budget ceiling para sa 2027 ay katumbas ng 21.7 porsiyento ng gross domestic product ng bansa at mas mataas ng 6 porsiyento kumpara sa ₱6.793-trilyong budget ngayong taon.

-- ADVERTISEMENT --