Naglabas ang Department of Education (DepEd) ng kauna-unahang komprehensibong polisiya sa paggamit ng artificial intelligence (AI) sa basic education, na nagpapahintulot sa integrasyon ng teknolohiya sa mga silid-aralan ngunit may mahihigpit na limitasyon upang maprotektahan ang mga mag-aaral at guro.

Sa ilalim ng DepEd Order No. 003, s. 2026 o “Foundational Guidelines on Artificial Intelligence in Basic Education,” maaaring gamitin ang AI bilang suporta sa lesson planning, pagbuo ng pagsusulit, paglikha ng instructional materials, at ilang gawaing administratibo, ngunit hindi ito maaaring maging tanging batayan sa pagmamarka at mahahalagang desisyong akademiko, na dapat manatili sa ilalim ng human oversight.

Mahigpit na ipinagbawal ng DepEd ang mga AI application na may “unacceptable risk,” kabilang ang biometric identification at facial recognition systems, social scoring, at mga tool na maaaring magmanipula o magsamantala sa mga menor de edad.

Ang mga high-risk system ay papayagan lamang kung may sapat na safeguards at transparency measures.

Bago magpatupad ng anumang AI tool, kinakailangang magsagawa ng Privacy Impact Assessment alinsunod sa Data Privacy Act of 2012 at iparehistro ang sistema sa DepEd AI Registry.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa ahensya, layunin ng polisiya na isulong ang responsableng paggamit ng AI habang pinatitibay ang digital literacy, na nananatiling “human-centered” at nakatuon sa kapakanan ng mga mag-aaral.