
Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Education (DepEd) sa pamilya ng 13-anyos na estudyanteng nasawi matapos umanong saksakin ng kanyang 14-anyos na kaklase sa loob ng Las Piñas National High School-Main.
Nangako rin ang ahensya na magbibigay ng buong suporta sa pamilya ng biktima at sa komunidad ng paaralan.
Ayon sa DepEd, magpapadala ito ng trauma counseling para sa mga apektadong mag-aaral at kawani, makikipagtulungan sa mga awtoridad sa imbestigasyon, at magsasagawa ng masusing pagsusuri sa mga umiiral na security protocol sa paaralan.
Iginiit din ng ahensya na dapat manatiling ligtas na lugar ang mga paaralan at hindi katanggap-tanggap ang anumang uri ng karahasan sa loob ng campus.
Samantala, naghahanda ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso laban sa suspek at kinukuwestiyon din ang umano’y kakulangan sa paaralan, kabilang ang kawalan ng school nurse nang mangyari ang insidente.
Ang 14-anyos na suspek, na itinuturing na child in conflict with the law (CICL), ay nasa kustodiya na ng Bahay Pag-asa at sumasailalim sa pagsusuri.










