
Ipinagtanggol ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Provisional Understanding on Rotation and Resupply o RORE ng Pilipinas at China, at iginiit na hindi nito nililimitahan ang sovereign rights at jurisdiction ng bansa.
Ayon sa DFA, ginawa ang kasunduan nang hindi isinasantabi ang 2016 Arbitral Award at nakatuon lamang sa mga prinsipyo at proseso para sa rotation ng personnel at resupply ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sinagot din ng DFA ang mga batikos ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, na nagsabing dapat nang wakasan ang kasunduan dahil maaari umanong gamitin ng China para palawakin ang saklaw nito sa West Philippine Sea.
Samantala, sinabi ng DFA na umabot na sa 15 ang incident-free RORE missions at ang pagpapatuloy ng kasunduan ay nakadepende sa pagsusuri ng mga security agency ng bansa.










