
Pinalawig ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang deadline para sa re-registration ng homeowners’ associations (HOAs) hanggang Disyembre 18, 2026.
Ayon sa DHSUD, layunin ng hakbang na mabigyan ng sapat na panahon ang mga HOA na dati nang nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) at Home Insurance Guarantee Corporation (HIGC) upang makumpleto ang kanilang re-registration sa ahensya.
Batay sa Department Order No. 2026-007, pinalawig ng anim na buwan ang orihinal na deadline na Hunyo 18, 2026, kasunod ng konsultasyon sa mga stakeholder at pagsusuri ng Homeowners Association and Community Development Bureau.
Giit ng DHSUD, mahalagang matiyak na ang lahat ng HOA ay maayos na nakarehistro sa ilalim ng ahensya alinsunod sa Magna Carta for Homeowners and Homeowners Associations.
Paalala ng DHSUD sa mga HOA, mainam na agad tapusin ang re-registration upang maiwasan ang posibleng pagkaantala sa proseso.





