Nagpatupad ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng moratorium sa pagbabayad ng housing amortization para sa mga kwalipikadong benepisyaryo na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.

Ayon sa DHSUD, layunin ng hakbang na maibsan ang pasanin ng mga apektadong pamilya at matulungan silang makabangon mula sa pinsalang dulot ng kalamidad.

Inatasan ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang mga key shelter agencies tulad ng Pag-IBIG Fund, National Housing Authority, Social Housing Finance Corporation, at National Home Mortgage Finance Corporation na ipatupad ang moratorium sa housing loan amortization.

Kasabay nito, inatasan din ang mga regional office na i-activate ang shelter clusters upang mapabilis ang pagtugon at koordinasyon sa mga kinakailangang tulong at interbensyon sa pabahay.

Ayon sa ahensya, ilalabas pa ang detalyadong guidelines kung sino ang saklaw at paano ipatutupad ang naturang moratorium.

-- ADVERTISEMENT --

Sa hiwalay na abiso, sinabi ng Social Housing Finance Corporation na ipinatutupad na rin ang pansamantalang suspension ng buwanang bayad mula Hunyo 8 hanggang Hulyo 7, 2026 para sa mga kwalipikadong benepisyaryo, na maaari pang palawigin depende sa sitwasyon sa mga apektadong lugar.