Nailigtas ang isang negosyante sa Quezon City na dinukot para sa P50 million ransom, ayon sa Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG).

Sinabi ni AKG chief Police Brigadier General Glicerio Cansilao, nahuli din nila ang tatlong suspek.

Ayon kay Cansilao, humingi ng tulong ang pamilya ng biktima matapos na hindi ito umuwi at hindi na rin nila ma-contact nang huli siyang makita sa Mandaluyong noong Pebrero 12.

Nakita naman sa backtracking sa CCTV at intelligence operations na dinukot ang negosyante.

Unang humingi ng kidnappers ng P50 million para sa kalayaan ng biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Kalaunan ay bumaba sa P4 million ang kanilang hinihingi na ransom.

Unang nakapagbigay ang pamilya ng P250,000 sa mga kidnapper.

Nitong Lunes, ginamit ng AKG ang pagbabayad ng pamilya para makakuha ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga suspek, nagsagawa sila ng operasyon, at nahuli ang mga suspek.

Sinabi ni Cansilao na nananatiling at large ang ipa pang mga suspek, kabilang ang mastermind sa kidnap for ransom.