Sisimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang dismissal proceedings laban sa isang police doctor na naaresto sa isang entrapment operation dahil sa umano’y paghingi pera sa isang police applicant sa Albay.

Inatasan ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang Police Regional Office 5 na sibakin sa puwesto ang police major na nakatalaga sa Regional Medical Unit 5 at sampahan ng kaukulang kasong kriminal at administratibo.

Inaresto ang opisyal kahapon sa loob ng tanggapan ng RMU-5 sa Camp Brigadier General Simeon A. Ola sa Legazpi City matapos umanong humingi ng P50,000 kapalit ng pagtiyak na makapapasa ang isang aplikante sa medical examination ng recruitment process.

Isinagawa ng Regional Intelligence Division at Legazpi City Police Station ang entrapment operation kung saan narekober ang marked money at boodle cash mula sa suspek.

Dahil sa insidente, ipinag-utos ni Nartatez ang agarang imbestigasyon upang malaman kung may iba pang sangkot sa umano’y iregularidad sa recruitment process ng PNP.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinag-utos din PNP chief ang ang comprehensive review sa lahat ng recruitment applicants na naproseso ng nasabing opisyal upang matukoy kung mayroon pang iba na naging biktima ng umano’y extortion.

Diin muli ng liderato ng PNP, hindi kukunsintihin ng organisasyon ang sinumang miyembro na ginagamit ang kanilang posisyon para pagkakitaan ang mga aplikanteng nais maglingkod sa bayan.

Hinikayat din ng PNP ang mga aplikante at kanilang pamilya na agad magsumbong sa mga awtoridad laban sa sinumang humihingi ng pera kapalit ng recruitment assistance dahil libre ang buong proseso ng pag-aaplay sa pulisya.

Ang kaso ay kasunod ng naunang pag-aresto sa isang police corporal sa Bacolod City na nahaharap din sa reklamong extortion kaugnay ng recruitment process.