Mahigit 200 tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang iniimbestigahan kaugnay ng umano’y ‘slot-for-sale’ scheme sa recruitment ng ahensya.

Nagsimula ang aksyon matapos magsagawa ang CIDG Regional Field Unit 3 ng entrapment operation noong August 24 laban sa isang babaeng tauhan ng BFP na umano’y tumanggap ng P300,000 kapalit ng garantisadong slot para makapasok bilang Fire Officer 1.

Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla, na sakop ng imbestigasyon ang mga tauhan ng BFP sa buong bansa, kabilang ang lahat ng kasalukuyan at dating regional directors.

Samantala, sinibak na sa puwesto at isinailalim sa restricted duty ang Deputy Regional Director for Administration ng BFP Region 4-A, na umano’y may malaking papel sa recruitment at sinasabing kasabwat sa naturang scheme.

Ayon kay Remulla, lumabas umano sa mga nakuhang ebidensya, kabilang ang laman ng cellphone ng aplikanteng nagsumbong, ang komunikasyon ng mga sangkot sa umano’y sistema.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ng kalihim na umaabot umano sa P100,000 hanggang P800,000 ang hinihinging halaga kapalit ng slot sa BFP.

Nilinaw ng opisyal na kwalipikado naman ang mga aplikanteng nasasangkot dahil nakapapasa sila sa mga pagsusulit at iba pang recruitment requirements.

Ang problema, aniya, ay sa huling bahagi ng proseso kung saan pumapasok umano ang “human intervention” at nagkakaroon ng bayaran para matiyak kung sino ang mapipili.

Nagbabala si Remulla sa mga opisyal at tauhan ng BFP na sangkot sa anomalya na hahabulin sila hanggang sa matanggal sa serbisyo at makulong, alinsunod sa batas.

Giit niya, hindi siya titigil hangga’t hindi nalilinis ang ahensya at natatapos ang kultura ng korapsyon sa BFP.

Samantala, muling tiniyak ng BFP na libre ang proseso ng recruitment at walang dapat bayaran ang mga aplikante para makapasok sa serbisyo.