
Sapul sa entrapment operation ng Land Transportation Office (LTO) ang dalawang empleyado ng ahensiya na umano’y sangkot sa magkahiwalay na fixing activity sa tanggapan ng ahensiya sa Pasay City noong Huwebes, October 8.
Nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap at mag-endorso ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) ng mga reklamong may kinalaman sa fixing activities sa pagproseso ng mga transaksyon sa LTO kapalit ng karagdagang bayad.
Kabilang dito ang transaksyon kung saan nakatalaga bilang “Receiving Officer” ang nahuling tumanggap ng marked money mula sa nagpanggap na kliyente, kapalit ng pagpapabilis sa proseso ng renewal ng rehistro ng sasakyan, nang hindi na kailangan pang humarap ng personal sa tanggapan ng ahensiya, habang ang isa namang transaksyon ay isang “Motor Vehicle Inspector” na nag-aalok online ng pagpapabilis sa pagproseso ng lisensya at iba pang transaksyon sa LTO, gamit umano ang kaniyang koneksyon sa loob ng ahensya.
Dahil dito, nahaharap ang dalawang empleyado sa posibleng paglabag sa Section 21(h) ng Republic Act No. 11032, o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, at Article 210 ng Revised Penal Code o Direct Bribery; habang posible pa naman itong masagdagan depende sa matutuloy sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.
Binigyang-diin naman ni LTO Chief Asssistand Secretary Markus Lacanilao na hindi magdadalawang isip ang ahensya na tanggalin sa serbisyo ang sinumang empleyadong mapapatunayang sangkot sa fixing activity.
Samantala, ikinasa naman ang nasabing operasyon, sa pagtutulungan ng Intelligence and Investigation Division ng LTO Central Office, Criminal Investigation and Detection Group – Anti-Organized Crime Unit ng Philippine National Police (PNP), at Anti-Red Tape Authority sa LTO.










