Kinumpirma ng Department of Energy (DOE) na ang gobyerno na ang magtatakda ng minimum rollback at maximum price hike sa mga produktong petrolyo sa gitna pa rin ng umiiral na State of National Energy Emergency.

Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, mayroong kapangyarihan ang pamahalaan sa ilalim ng Executive Order No. 110 upang direktang magtakda o mag-limit ng mga paggalaw sa presyo ng langis, kabilang ang presyo sa mga gasolinahan.

Ibig sabihin, obligadong sundin ng mga oil companies ang itinakdang price adjustment ng pamahalaan, maging ito man ay rollback o dagdag-presyo, batay sa kalkulasyon ng DOE.

Sa kabila nito, nagbabala naman ang DOE na maaaring maisyuhan ng show cause order ang mga lalabag na kumpanya.

Maapektuhan din ang kanilang mga permit kung mabigo silang makapagpaliwanag kung bakit hindi maayos na nasunod ang naturang patakaran.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, maaari ring mapatawan ang mga lalabag ng kriminal na parusa sa ilalim ng Oil Deregulation Law, kabilang ang pagkakakulong ng tatlong buwan hanggang isang taon at multa na mula P50,000 hanggang P300,000.

Ipinaliwanag pa ng kagawaran na ang hakbang ay saklaw ng “police power” na layuning pigilan ang profiteering at hoarding sa mga oil products.