
Nagpaalala ang Department of Health sa publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran at sarili upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit, kabilang ang Hantavirus Pulmonary Syndrome (HPS).
Ayon sa DOH, mahalagang tiyakin na walang daga sa paligid dahil ito ang pangunahing nagdadala ng hantavirus sa tao.
Batay sa mga pag-aaral, maaaring makahawa ang virus sa pamamagitan ng ihi, dumi, at laway ng daga na karaniwang matatagpuan sa maruruming lugar.
Ang HPS ay isang malubhang sakit na maaaring ikamatay kapag hindi agad naagapan.
Ayon naman sa Centers for Disease Control and Prevention, halos apat sa bawat 10 kaso ng HPS ang nauuwi sa kamatayan dahil sa komplikasyon nito.
Sa kasalukuyan, wala pang naitatalang kumpirmadong kaso ng HPS sa Pilipinas kaya nananatiling mababa ang panganib ng pagkalat nito sa bansa.
Gayunman, hinikayat pa rin ng DOH ang publiko na pairalin ang wastong kalinisan upang makaiwas sa sakit.
Tiniyak din ng kagawaran na nakahanda ang mga paliparan at pantalan sa isinagagawang border screening ng DOH-Bureau of Quarantine.










