
Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko, lalo na sa kabataan, hinggil sa masamang epekto sa kalusugan ng cadmium, isang nakalalasong metal na maaaring matagpuan sa aerosol ng vape.
Ayon sa DOH, maaaring makapinsala sa mga bato at buto ang cadmium, habang ang matagal na pagkakalantad dito ay maaaring magpataas ng panganib ng kanser.
Bukod dito, maaari ring magtaglay ang usok o aerosol ng vape ng iba pang mapanganib na kemikal gaya ng benzene, diacetyl at acrolein.
Dahil dito, hinimok ng kagawaran ang publiko na iwasan ang paggamit ng vape. Sinuportahan din nito ang panukalang pagtataas ng buwis sa mga produktong vape upang hindi maging madaling abutin ang mga ito, lalo na ng kabataan.
Samantala, iminungkahi ng Department of Finance ang iisang excise tax na ₱72.93 kada dalawang mililitro o dalawang gramo para sa e-cigarettes at heated tobacco products, bukod pa sa ₱150 na buwis kada device.










