
Nagbuo ang Department of Justice (DOJ) ng isang legal unit na tututok sa mga usaping legal kaugnay ng West Philippine Sea, ayon kay Justice Secretary Frederick Vida.
Sinabi ni Vida na layunin ng grupo na magsilbing Maritime Law Center o pangunahing tagapagbigay ng legal na ekspertong opinyon at repositoryo ng DOJ para sa mga isyung may kaugnayan sa pinag-aagawang karagatan.
Ayon sa kalihim, bahagi ito ng hakbang ng pamahalaan upang mapangalagaan ang naging tagumpay ng Pilipinas sa 2016 Arbitral Award, na kumilala sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
Gayunman, binigyang-diin niyang hindi sapat ang naturang desisyon kung hindi ito patuloy na ipagtatanggol at isusulong.
Nakibahagi rin ang DOJ sa paggunita ng ika-10 anibersaryo ng Arbitral Award noong Hulyo 12 at muling iginiit ang kahalagahan ng pagsunod sa international law at sa rule of law sa pagsusulong ng karapatan at soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.










