
Nakikipag-ugnayan na ang Department of Justice o DOJ sa Office of the Regional Prosecutor sa Eastern Visayas kaugnay ng imbestigasyon sa madugong pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Jose Dominic Clavano Polo Martinez, layunin ng koordinasyon na matukoy ang buong detalye at mga pangyayari sa insidente na ikinasawi ng tatlong katao.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Tacloban City Police at Office of the City Prosecutor upang alamin ang pagkakakilanlan ng mga biktima, mga nasugatan, mga sangkot sa insidente, gayundin ang posibleng motibo sa pamamaril.
Sinabi ng DOJ na hahayaan muna nitong tapusin ng mga law enforcement authorities at prosecutors ang kanilang masusing imbestigasyon bago magsagawa ng kaukulang legal na hakbang.
Naganap ang insidente sa loob ng San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City dakong alas-9 ng umaga nitong Lunes.
Bukod sa tatlong nasawi, pito ang napaulat na nasugatan habang nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang menor de edad na hinihinalang sangkot sa pamamaril.










