Nais palakasin ng Department of Tourism o DOT ang domestic tourism bilang pangunahing paraan upang mapataas ang kita ng sektor ng turismo sa bansa.

Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, mas malaki ang ambag ng domestic tourism kumpara sa mga dayuhang turista dahil apat na beses umano itong mas malaki sa kinikita mula sa foreign visitors.

Dahil dito, sinabi ng kalihim na maglulunsad ang DOT ng domestic tourism campaign pagsapit ng Hunyo upang hikayatin ang mas maraming Pilipino at balikbayan na magbakasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang ahensya sa ilang hotel, restaurant at iba pang tourism stakeholders upang makapagbigay ng discounted packages para sa mga balikbayan at lokal na turista.

Kasabay nito, inamin ni Angara-Mathay na hindi pa naaabot ng tourism sector ang inaasahang performance kaya ikinokonsidera ng DOT ang sikat na P-pop girl group na BINI bilang tourism ambassadors ng Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --

Pinuri rin ng kalihim ang grupo matapos itong maging kauna-unahang all-Filipino girl group na nagtanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival sa California noong nakaraang buwan.

Ayon kay Angara-Mathay, malaking bagay ang ginagawa ng BINI sa pagdadala ng bandera ng Pilipinas sa international stage.

Mananatili naman ang tourism slogan na “Love the Philippines,” ngunit sinabi ng DOT na babaguhin nila ang mensahe nito upang mas umayon sa pagsusulong ng domestic tourism.

Kabilang sa mga ikinokonsiderang bagong mensahe ay ang paghikayat sa mga Pilipino na tuklasin at mahalin ang sarili nilang bansa.

Si Angara-Mathay ay kabilang sa mga opisyal ng Gabinete na sumama kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang state visit sa Japan. Bago siya italaga bilang kalihim ng DOT, nagsilbi siyang trade representative ng Pilipinas sa Tokyo at pumalit kay dating Tourism Secretary Christina Frasco.