
Kasado na bukas ang isasagawang malawakang paglilinis ng Department of Transportation (DOTr) sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila kung saan talamak ang illegal parking.
Sa isinagawang press briefing sa Camp Crame sa Quezon City, sinabi ni DOTr Secretary Giovanni Lopez na tutukan ng operasyon ang mga kalsadang madalas pagmulan ng matinding trapiko dahil sa mga sasakyang nakahambalang o nakaparada sa hindi tamang lugar.
Ayon kay Lopez, layunin ng hakbang na mapabilis ang daloy ng trapiko at mapaikili ang oras ng biyahe ng mga motorista at komyuter, lalo na ngayong Semana Santa kung saan inaasahan ang pagdami ng mga bibiyahe pauwi sa mga probinsya.
Makikipagtulungan ang DOTr sa Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG) , at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang masiguro ang maayos at epektibong pagpapatupad ng operasyon.
Kabilang sa tututukan ng ahensya ang mga lugar na malapit sa mga terminal, palengke, at pangunahing kalsada kung saan karaniwang nagiging bottleneck ang daloy ng trapiko.










