Iniulat ng Department of Justice (DOJ) na umabot na sa mahigit P611.38 milyon ang naibalik sa kaban ng bayan mula sa restitution process kaugnay ng maanomalyang flood control projects.

Sa naturang halaga, pinakamalaki ang naisauli ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo kung saan umabot ito sa P290 milyon.

Maliban kay Bernardo nasa listahan din ng mga nagbalik ng pera ang mga kinilalang state witness sa anomalya flood control project na sina dating DPWH Engr. Henry Alcantara, Gerard Opulencia, at contractor na si Sally Santos.

Ayon sa DOJ, naideposito na ang mga nasabing halaga sa Bureau of the Treasury at sa ngayon, target ng pamahalaan na mabawi ang kabuuang P1.5 bilyon na umano’y nawaldas sa naturang proyekto.