Patuloy paring inaalam ang pagkakakilanlan ng suspect sa pagpatay sa isang driver ng isang negosyante sa Bgry. Mungo, Tuao, Cagayan.
Kinilala ni PMAJ Jun Jun Balisi, chief of police ng PNP Tuao ang biktima na si Alyas Dindo, 38 anyos at residente ng Brgy.Divisoria, Santiago City.
Una rito ay nakatanggap ng tawag ang pulisya mula sa isang concerned citizen kaugnay sa nasabing pamamaril kung kaya’t agad na nagtungo ang mga otoridad sa nasabing lugar at nang pagdating ng mga ito ay nakita nila ang nakahandusay na katawan ni Dindo sa lupa na may tama ng bala sa kanyang ulo.
Lumalabas sa imbestigasyon na bago ang insidente ay nakaupo ang biktima habang nagbibilang ng pera sa bahay ng kanyang amo sa nasabing lugar nang bigla na lamang may dumating na isang lalaki na nakaputing t-shirt sakay ng kanyang motor at pagbaba nito ay nagtanong pa sa isa sa mga kasamahan ng biktima tungkol sa presyo ng isang broiler na manok.
Pagkatapos nito ay bigla na lamang lumapit ang suspek sa biktima at binaril ng ilang beses na tumama sa kanyang ulo.
Agad dinala ang biktima sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng umasikasong doctor.
Sa ngayon mayroon ng person of interest sa nasabing pamamaril ngunit kinakailangan pa ng matibay na ebidensiya na makakapagturo sa kanya habang inaalam na ang bilang ng tama ng biktima sa kanyang ulo at motibo sa krimen.