Naghanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng kabuuang P4.416 bilyon na pondo at relief supplies bilang paghahanda sa posibleng epekto ng papalapit na tropical storm na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong weekend.

Ayon sa DSWD, bukod sa pondo, naka-preposition na rin sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang 4.7 milyong family food packs na maaaring agad ipamahagi sa mga maaapektuhang pamilya.

Sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na may nakahandang pondo at suplay upang matiyak ang agarang pagtugon sakaling lumakas ang sama ng panahon.

Nakaantabay din umano ang lahat ng field offices ng ahensya para sa mabilis na distribusyon ng tulong sa mga apektadong komunidad.

Batay sa PAGASA, inaasahang papasok sa PAR ang bagyo sa pagitan ng Sabado ng gabi at Linggo ng umaga at bibigyan ito ng lokal na pangalang “Francisco.”

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t maliit ang tsansang mag-landfall, posible umanong lumakas ito at maging typhoon sa mga susunod na araw kaya’t patuloy ang paalala sa publiko at mga disaster response teams na mag-monitor ng mga weather updates.

Patuloy ang koordinasyon ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng tulong kung kinakailangan.