
Inamin ng kampo ng depensa ni Vice President Sara Duterte na hindi nila inaasahang magiging sentro ng pagtatanong ng prosecution ang naging biyahe sa China ni Davao City Assessor Jaime Adalin, ang unang testigo ng depensa sa impeachment trial.
Ayon kay defense spokesperson Michael Poa, hindi rin umano nila alam na nakabiyahe sa China si Adalin bago ito humarap sa Senado upang magpatotoo kaugnay ng mga ari-arian ng bise presidente at kung naideklara ang mga ito sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Sa halip na nakatuon lamang sa mga rekord ng ari-arian, naging paksa rin ng pagtatanong ng mga senador at prosecution panel ang naturang biyahe upang siyasatin ang kredibilidad at pagiging patas ng testigo.
Sinabi ni Poa na iginagalang nila ang mga tanong ng mga senador, ngunit iginiit na ang pangunahing layunin ng pagharap ni Adalin ay patunayan kung nakasaad sa SALN ni Duterte ang mga pinag-uusapang ari-arian.
Hihintayin muna ng depensa ang karagdagang sertipikasyong maaaring isumite sa impeachment court bago magpasya kung kailangan pa nilang magharap ng ibang testigo upang suportahan ang kanilang argumento.










