Hindi matiyak ng isang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung ang ari-ariang nakuha ng kaniyang asawang si Manases “Mans” Carpio sa Samal City noong 2013 ay siya ring nakatala sa kanilang joint Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN simula 2015.

Sa cross-examination, sinabi ni Island Garden City of Samal Assessor Engineer John Kenneth Enumerables na hindi siya sigurado kung magkapareho ang ari-ariang nakatala sa Transfer Certificate of Title at ang idineklara sa SALN ng mag-asawa.

Kinumpirma rin niyang ₱3.45 milyon ang acquisition cost ng nasabing ari-arian batay sa Deed of Sale, sa halip na ₱4.04 milyon na nakasaad sa joint SALN.

Nang tanungin kung may iba pa siyang batayan sa pagtukoy na iisa ang dalawang ari-arian, sinabi ni Enumerables na wala, dahil hindi nakasaad sa SALN ang title number.

Iginiit ng prosecution na hindi idineklara ni Duterte ang naturang ari-ariang nagkakahalaga ng ₱3.45 milyon, habang iginiit naman ng depensa na ito rin ang ari-ariang nakatala sa kanilang SALN sa halagang ₱4.04 milyon.

-- ADVERTISEMENT --