
Umabot na sa kabuuang 2,011 ang kumpirmadong nasawi dahil sa Ebola sa Democratic Republic of Congo, habang patuloy na mabilis na kumakalat ang virus sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon sa pinakabagong datos ng Congo’s public health institute, nasa 4,381 na ang kumpirmadong kaso ng Ebola sa limang probinsya.
Kabilang sa mga dahilan ng mabilis na pagkalat ng virus ang pagkaantala sa pagtukoy ng mga kaso, kaguluhan sa ilang lugar at kakulangan sa health services.
Ito na ang ika-17 Ebola outbreak sa Congo na dulot ng Ebola Bundibugyo species, na wala pang aprubadong bakuna.
Idineklara naman ng World Health Organization ang outbreak bilang isang public health emergency of international concern, matapos ding maitala ang mga kaso sa Uganda.
Ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa journal Science, maaaring nagsimula ang transmission noong Enero sa Ituri province.
Mahigit 500 suspected cases na kasi ang natukoy doon mula Enero hanggang Mayo 15.
Mas pinapahirap din ang pagtugon sa outbreak ang kakulangan ng medical supplies at seguridad sa mga apektadong lugar.
Dahil dito, nahihirapan ang mga awtoridad na tukuyin ang mga nakasalamuha ng mga pasyente, ihiwalay ang mga infected at mapigilan ang karagdagang transmission.
Sa bilis ng pagtaas ng bilang ng mga namamatay, mas mabilis ang kasalukuyang outbreak kumpara sa mga nakaraang Ebola outbreak sa Congo.
Sa kasalukuyang outbreak, umakyat mula 1,000 hanggang 2,000 ang bilang ng mga nasawi sa loob lamang ng wala pang isang buwan.
Samantala, patuloy ding nakaaapekto sa containment efforts ang pangamba at kawalan ng tiwala ng ilang komunidad sa mga health workers, kabilang na sa usapin ng paghawak at paglilibing sa mga namatay dahil sa Ebola.










