
Idineklara ng World Health Organization (WHO) ang Ebola outbreak sa Democratic Republic of Congo (DRC) at Uganda bilang isang “public health emergency of international concern” dahil sa banta nitong kumalat sa mga karatig-bansa.
Ayon sa WHO, ang outbreak ay dulot ng Bundibugyo virus at bagamat hindi pa ito itinuturing na pandemic emergency, mataas ang panganib ng pagkalat nito sa mga bansang may hangganan sa DRC.
Iniulat ng WHO na umabot na sa 80 ang hinihinalang nasawi, habang walong kaso ang kumpirmadong positibo sa laboratoryo at 246 naman ang suspected cases sa Ituri province ng DRC hanggang Sabado.
May naitalang mga kaso sa Uganda at maging sa kabisera ng DRC na Kinshasa mula sa mga biyaherong nanggaling sa apektadong lugar.
Sinabi rin ng WHO na walang aprubadong bakuna o partikular na gamot laban sa Bundibugyo strain ng Ebola, dahilan upang ituring na “extraordinary” ang outbreak na ito.
Pinayuhan ng WHO ang mga bansa na paigtingin ang border screening at agarang ihiwalay ang mga kumpirmadong kaso, ngunit hinikayat ding huwag magsara ng borders upang maiwasan ang mga hindi namomonitor na pagtawid.
Unang natukoy ang Ebola virus sa DRC noong 1976. Ang sakit ay naipapasa sa pamamagitan ng direktang kontak sa bodily fluids ng infected na tao o kontaminadong materyales.










