
Itinaas ng World Health Organization ang risk level sa loob ng Democratic Republic of Congo sa “very high” dahil sa patuloy at mabilis na pagkalat ng Ebola outbreak sa bansa.
Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, nananatiling “low” ang panganib ng global spread, ngunit ang sitwasyon sa loob ng Congo ay itinaas mula “high” patungong “very high” dahil sa kakulangan ng medical resources at mga hamon sa operasyon sa mga conflict-affected areas.
Batay sa ulat ng WHO, naitala ang 82 kumpirmadong kaso at pitong pagkamatay, ngunit tinatayang mas malawak pa ang aktwal na outbreak na posibleng umaabot sa humigit-kumulang 750 suspected cases at 177 suspected deaths.
Ipinapadala na ang mga suplay sa Ituri province sa hilagang-silangang bahagi ng bansa, habang hirap ang mga health worker dahil sa kakulangan ng kagamitan, misinformation, at tensyon kaugnay ng mga tradisyunal na ritwal sa libing.
Nauna ring iniulat ang insidente sa Rwampara kung saan sinunog ng ilang kabataan ang isang Ebola treatment center matapos umanong hindi payagang kunin ang bangkay ng kaibigan na hinihinalang biktima ng sakit.
Ayon sa WHO at Africa Centres for Disease Control and Prevention, posibleng mas malaki pa ang outbreak kaysa sa kasalukuyang naitatala, habang patuloy ang pagtaas ng mga kaso dahil sa mahigpit na surveillance challenges.
Naglaan naman ang United Nations ng $60 million mula sa emergency fund para sa response efforts, habang nangako rin ang Estados Unidos ng $23 million na tulong para palakasin ang Ebola response sa Congo at Uganda.










