Pinapayagan na ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang mga miyembro na humiling ng paglipat sa kanilang napiling Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP clinic ngayong ikaapat na quarter ng 2026.

Ayon sa PhilHealth, maaaring mag-request anumang oras ang mga hindi pa nakikinabang sa First Patient Encounter o FPE. Samantala, ang mga nakatapos na nito ay maaari lamang mag-apply mula Oktubre hanggang Disyembre, at magiging epektibo ang aprubadong paglipat sa Enero 1, 2027.

Maaaring magtungo sa pinakamalapit na PhilHealth Local Health Insurance Office para sa beripikasyon at pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento. Maaari ring magpadala ng kinatawan sa pamamagitan ng authorization letter at valid IDs.

Saklaw ng YAKAP ang konsultasyon, mga kinakailangang laboratory at cancer screening test, at mga iniresetang mahahalagang gamot.