Tinitingnan ng Department of Health (DOH) ang epekto ng climate change bilang dahilan ng maagang pagtaas ng kaso ng dengue ngayong taon.

Ayon kay DOH spokesperson at Asec. Albrt Domingo, mas maagang nagsimula ang tag-ulan sa bansa dahil sa mga weather patterns tulad ng shearline, ITCZ, at easterlies na karaniwang nararanasan tuwing Hunyo at Hulyo.

Nabatid na ilang lugar sa Metro Manila ang nagdeklara ng dengue outbreak nitong mga nakaraang linggo, pero unti-unti na raw bumababa ang bilang ng naitatalang bagong kaso ngayong linggo.

Iniulat din ng DOH na mas mababa ang mortality rate ng sakit ngayong 2025, na nasa 0.36% lang kumpara sa 0.43% noong kaparehong panahon ng 2024. Ibig sabihin, sa bawat 1,000 pasyente, tatlo hanggang apat lamang ang namamatay.

Sa kabila nito, muling nagpaalala ang ahensya na hindi dapat magpakampante ang publiko, dahil maaaring muling tumaas ang kaso ng dengue kung hindi ipagpapatuloy ang paglilinis at iba pang pag-iingat.

-- ADVERTISEMENT --

Pinapayuhan din ang publiko na agad magpatingin sa doktor kapag may sintomas ng dengue para maiwasan ang malalang kondisyon.