Napansin ni Senador Erwin Tulfo ang kawalan ng maraming senador mula sa majority bloc habang nagpapatuloy ang sesyon ng Senado noong Lunes.

Sa gitna ng plenaryo, nagtanong si Tulfo kung nasaan ang kanilang mga kasamahan sa majority bloc at sinabing nami-miss na niya ang mga ito dahil kakaunti na lamang umano ang natitira sa session hall.

Ang tanong ni Tulfo ay ipinukol kay Senate President Pro Tempore Loren Legarda at kay Senador Jinggoy Estrada na noon ay nagsisilbing acting majority floor leader.

Tumugon naman si Estrada at sinabing nasa Senate lounge lamang ang ibang mga senador ng majority bloc at nanonood ng sesyon mula roon.

Tinanong naman ni Legarda si Tulfo kung nais nitong pansamantalang suspindihin ang sesyon upang pabalikin sa plenaryo ang mga senador na nasa lounge.

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit sinabi ni Tulfo na nagtataka lamang siya at nami-miss niya ang kanyang mga kasamahan.

Bilang tugon, sinabi ni Legarda na pareho umano sila ng nararamdaman.

Nang matapos ang sesyon bago mag-alas sais ng gabi, sina Legarda at Estrada na lamang ang natitirang miyembro ng majority bloc sa plenaryo.

Samantala, mas maraming senador mula sa minority group ang nanatili hanggang sa adjournment kabilang sina Senador Raffy Tulfo, dating Senate President Vicente Sotto III, Senador JV Ejercito, Senadora Risa Hontiveros, at Senador Francis Pangilinan.

Dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas nang maupo si Senate President Alan Peter Cayetano bilang bagong lider ng Senado kapalit ni Sotto.