
Tahasang naghugas-kamay si dating House Speaker Martin Romualdez laban sa mga alegasyon ng iregularidad sa pambansang badyet para sa mga flood control projects, at iginiit na ang katiwalian ay nangyayari sa implementasyon ng mga ahensya at hindi sa paggawa ng batas sa Kongreso.
Ayon kay Romualdez, ang pagpasa ng pambansang badyet ay produkto ng mahabang proseso mula sa Ehekutibo, Kamara, at Senado.
Iginiit niyang walang kinalaman ang mga mambabatas sa procurement, inspeksyon, at aktuwal na pagpapatayo ng mga imprastraktura.
Idinagdag ng dating lider ng Kamara na hindi siya naging bahagi ng bicameral conference committee o ng small committee na bumalangkas sa huling porma ng badyet sa likod ng mga saradong pinto.
Sa halip na akuin ang responsibilidad, itinuro ni Romualdez ang dalawang opisyal na diumano’y may direktang hawak sa mga desisyon sa pondo.
Upang patunayan ang kanyang kalinisan bilang mastermind ng nasabing anomalya, hinamon ni Romualdez ang publiko na suriin ang mga proyekto sa kanyang sariling distrito sa Tacloban.
Pinahintulutan niya ang kanyang mga tauhan na ilabas ang listahan ng lahat ng proyekto sa kanyang nasasakupan para sa pampublikong pagsisiyasat.
Paglilinaw niya, ang tunay na command responsibility sa pagpapatupad ng mga proyekto ay nasa sangay ng Ehekutibo, partikular na sa Department of Public Works and Highways (DPWH), at hindi sa isang collegial legislative body tulad ng Kamara at Senado.










