Hinamon ni Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III si Reina Mercedes Vice Mayor Harold Respicio na maglahad ng sapat na ebidensya kaugnay ng alegasyon nitong may mga “ghost” flood control projects sa lalawigan.

Sa panayam, sinabi ni Albano na bukas ang pamahalaang panlalawigan sa imbestigasyon at handang ilabas ang listahan ng mga proyekto, halaga ng mga ito, at mga kontratistang nagsagawa ng mga proyekto.

Ayon sa gobernador, kailangang inspeksyunin ang mga proyektong tinutukoy at makipag-ugnayan sa Commission on Audit (COA) at mga kapitan ng barangay upang matukoy kung naipatupad ang mga ito.

Binigyan din umano ni Albano ng benefit of the doubt si Respicio, ngunit hinimok itong magbigay ng mga larawan at iba pang ebidensyang magpapatunay sa alegasyon, sa halip na umasa lamang sa mga pahayag sa social media.

Iginiit naman ng gobernador na nakatulong ang ilang flood control project sa pagbawas ng pagbaha sa Aurora, Alicia, San Isidro at Sto. Tomas, bagama’t kinilala niyang marami pang kailangang gawin upang mapabuti ang mga hakbang laban sa pagbaha.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni Albano na handa ang kapitolyo na makipagtulungan sa imbestigasyon kung may matutuklasang iregularidad, at hinimok ang publiko na direktang iulat ang mga kahina-hinalang proyekto upang agad na maaksyunan.